Manila, Philippines – Sususpendihin muna ng Philippine Airlines (PAL) ang ilan nitong flights patungong Kuwait simula sa May 16.
Sa abiso ng PAL sa kanilang facebook page, anila “economically unsustainable” na ang patuloy na pagkonti ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na bumibiyahe papunta sa nasabing bansa.
Nakauwi na rin naman daw sa Pilipinas ang mga kababayang Pinoy mula Kuwait na binigyan nila ng libreng serbisyo.
Inabisuhan ng PAL ang mga maaapektuhang pasahero na mag-rebook ng biyahe o mag-refund ng kanilang tickets.
Para sa mga may Manila to Kuwait flight, maaaring magpa-rebook ng flight patungong Abu Dhabi, Dubai o Doha at dumaan sa ibang airline company para sa connecting flight patungong Kuwait.
At sa mga may Kuwait to Manila flight, bumiyahe sa ibang airline company mula kuwait patungong Abu Dhabi, Dubai o Doha at saka lumipat sa PAL pauwing Maynila.