ECOP, ikinatuwa na hindi na mandatory ang pagsasailalim sa RT-PCR test sa mga manggagawa sa bansa; DOLE, nilinaw na hindi sasagutin ng mga employer ang gastos sa COVID testing

Nabunutan ng tinik ang Employer’s Confederation of the Philippines (ECOP) matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi mandatory na sumailalim sa Real-Time Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test ang mga manggagawa sa ilang sektor upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 sa workplaces.

Sa interview ng RMN Manila kay ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr., nakahinga sila ng maluwag sa anunsyo ng Pangulong Duterte lalo na’t posibleng magdulot ito ng pagsasara ng maliliit na kompanya o negosyo.

Binigyan diin ni Ortiz-Luis na dahil sa epekto ng pandemya, hindi na kakayanin ng mga employer na papasanin pa nila ang gastos sa RT-PCR test ng kanilang mga manggagawa.


Bukod rito, sa testing capacity ngayong ng pamahalaan, aabutin pa ng pitong buwan bago matest ang lahat ng manggagawa sa bansa.

Batay sa memorandum na inilabas ng Department of Labor and Employment at Department of Trade and Industry, kailangang sumailalim sa RT-PCR tests ang mga nasa transport and logistics, food retail, education, financial services, non-food retail, services, public market, construction; water supply, sewerage, at waste management; public sector, at mass media.

Ang protocol ay bahagi ng bagong panuntunan ng gobyerno kaugnay sa COVID-19 control and prevention sa mga workplace na epektibo noong Sabado.

Pero sa interview ng RMN Manila kay Labor Sec. Silvestre Bello III, nilinaw nito na hindi sasagutin ng mga employer ang gastos sa RT-PCR tests ng kanilang mga empleyado kundi ipapasa ito sa mga medical insurance group at sa PhilHealth.

Facebook Comments