Manila, Philippines – Binatikos ang Philippine National Police (PNP) matapos magpalipad ng mga lobong hindi-eco friendly sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas.
Ang ginawang pagpapalipad ng lobo ng PNP ay simbolo ng isang malinis at mapayapang midterm elections.
Pero ayon kay EcoWaste Coalition Zero Waste Campaigner Daniel Alejandre – malinis na halalan man ang hangarin nito, dumi sa kapaligiran ang maidudulot nito.
Binanggit ng EcoWaste ang dalawang karaniwang uri ng lobo – ang latex balloon o ang lobong ‘biodegradable’ o nabubulok at ang isa naman ay mylar o foil blood na hindi nabubulok.
Giit ni Alejandre – maaaring patuloy na lumutang ang mga lobo pataas hanggang sa pumutok pero kung hindi, sila ay nade-deflate o umimpis at unti-unting bumaba.
Maaari silang mapagkamalang pagkain ng mga hayop o isda kung sasayad ang mga pira-piraso nito sa lupa o tubig.
Matatandaang noong nakaraang Disyembre, ilang balloon drop events ang kinansela nang makatanggap ng mga puna online at sitahin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Aminado naman ang PNP na hindi agad napagtanto ng ilang regional commanders ang epekto sa kapaligiran ng pagpapalipad ng mga lobo.