Nagpaalala ang grupong EcoWaste Coalition sa mga magulang na maging mapanuri sa pamimili ng school supplies, sa gitna ng nalalapit na pagbabalik ng klase sa mga paaralan.
Ayon sa Ecowaste, sa pagbili ng school supplies — dapat isaalang-alang ang mga kagamitang walang toxic chemicals at hindi mapanganib sa mga bata.
Dapat din tingnan ang label ng mga produktong binibili kabilang ang age recommendations at safety information.
Pinaiiwas naman ng grupo ang mga magulang sa pagbili ng mga notebook na may PVC plastics, o anumang kagamitang may markang “3” o “PVC.”
Gayundin ang mga art supplies na may heavy metals, gaya ng lead-containing crayons.
Paalala ng EcoWaste, bumili lamang ng “non-toxic” crayons, watercolors, at clay at piliin ang pambura na “phthalate-free”.
Kasunod nito, nanawagan ang grupo sa mga school supplies manufacturers na tiyaking ligtas at toxic-free ang kanilang mga produkto para sa kapakanan ng mga mag-aaral.