Muling binuhay ng isang environmental group ang kanilang kampanya para proteksyunan ang kabataan laban sa mga laruan na may taglay na nakakalasong kemikal.
Ito’y kasabay nang pagpasok ng “Ber” months sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Iginiit ng EcoWaste Coalition na responsibilidad ng toy industry na siguraduhing ligtas at non-toxic ang mga laruan na ibinebenta sa toy stores maging sa online shopping platform.
Sinabi ni Thony Dizon, Chemical Safety Campaigner ng grupo, dapat umaayon sa pinakamataas na pamantayan sa kaligtasan at kalidad ang mga laruan na nasuri ng government regulators.
Sa ginawang test buys ng grupo, may nakita pa rin silang mga laruan na may taglay na hazardous chemicals na panganib sa kabataan.
Ito’y kahit nagpalabas na noong Enero ngayong taon ng public health warnings ang Food and Drug Administration (FDA) ukol dito.