EcoWaste Coalition, pinag-iingat ang publiko sa toxic lipsticks na ibinebenta online

Nagbabala ang EcoWaste Coalition sa publiko sa mga binibili nilang lisptick na nagkakahalaga ng ₱10 hanggang ₱50 na ibinibenta sa online at mga pamilihan dahil malamang na ito ay may sangkap na arsenic at cadmium na nakalalason sa katawan.

Ayon kay EcoWaste Coalition National Coordinator Aileen Lucero, nakakuha sila ng sample ng mga ibinebentang lipstick sa nasabing halaga kung saan ay natuklasan nilang sa 296 na kanilang sinuri, 95 dito ay may 42.6 % na naglalaman ng tingga habang 25 porsiyento naman ang nadiskubreng may arsenic at cadmium.

Aniya, maaaring makapagdulot ng chronic lead poisoning ang gagamit ng mga naturang lipstick at kapag naipon sa katawan ay magdudulot ito ng problema sa dugo, pamamaga ng utak at matinding pananakit ng tiyan.


Dahil dito, umapela ang environmental group sa Bureau of Customs (BoC) na mahigpit na imonitor ang mga ipinapasok na mga nakakalasong cosmetic products sa bansa.

Kasabay nito, hinikayat ng grupo ang publiko na suriin mabuti ang kanilang mga bibilhing cosmetic products kung ito ba ay may sertipikasyon mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Facebook Comments