Nanawagan ang isang environmental group sa mga ospital at sa publiko na maging responsable sa pagtatapon ng medical wastes.
Kasunod ito ng ulat na umaabot na sa 1,000 metriko tonelada ng medical waste ang nakokolekta kada araw sa bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Ecowaste Coalition Philippines Board Secretary at Healthcare Without Harm Executive Director Ramon San Pascual, dapat na maging mahigpit ang mga ospital sa paghihiwalay ng mga basura.
Inihalimbawa niya rito ang paggamit ng tatlong kulay ng basurahan kung saan dapat itapon sa “green” ang food waste; sa “black” ang general waste o mga basurang hindi nakakapinsala at sa “yellow” ang infectious o hazardous waste gaya ng mga PPE at face mask.
“Kasi ang nangyayari, nag-o-overeact po tayo dun sa threat ng virus to the point naman na nag-o-overuse tayo ng disposable PPE na ang ultimong epekto naman ay sa atin ding kalikasan. If we harm our… whether our ocean or our atmosphere, tayo rin naman po ang nada-damage,” ani San Pascual sa interview ng RMN Manila.
Kasabay nito, pinaalalahanan din ni San Pascual ang publiko na iwasan ang sobrang paggamit ng mga single-use face mask.
“Kasi mismo ang DOH, nagsasabi na proper masking does not necessarily means na pagsusuot ng disposable medical-level mask kasi ang medical mask ay sinusuot lamang sa mga medical setting ng ating mga doktor at pasyente na nasa loob ng ospital o ng facility,” punto ni San Pascual.
“Pero kung ikaw e pedestrian, may bibilhin lang sa labas, gusto mo lang mag-ingat, yung regulat cloth mask e inirerekomenda po Ito ng DOH as long as maayos ang pagkakasuot,” dagdag pa niya.