Nagbabala ang isang environmental watchdog sa mga magulang na maging mapanuri sa pamimili ng kapote para sa kanilang mga anak.
Ito ay matapos na matuklasang nagtataglay ng cadmium, isang nakakalason na kemikal ang ilang sample ng kapote na binili nito sa ilang mga tindahan sa Metro Manila.
Bilang bahagi ng patuloy na kampanya nito upang itaguyod ang kalusugan at kaligtasan ng mga bata, nagsagawa kamakailan ang EcoWaste Coalition ng pagsusuri sa karaniwang school items, partikular na ang mga plastic na kapote para sa mga bata.
Bumili ang EcoWaste ng mga kapote na nagkakahalaga ng P39 hanggang P250 bawat isa mula sa mga retail store na matatagpuan sa mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas at Pasay.
Gamit ang X-Ray Fluorescence (XRF) device, sinuri nito ang mga item para sa cadmium at nalaman na sa 12 kapote na sinuri, apat ang nagpositibo sa kemikal sa mga antas na lampas sa European Union Safety standards.
Ang limitasyon ng EU para sa cadmium sa mga plastik ay nasa 100 parts per million (ppm).
Ayon sa World Health Organization, ang cadmium ay nagdudulot ng mga nakakalason na epekto sa kidney, skeletal system at respiratory system at nauuri iti bilang isang human carcinogen.