ECQ ayuda sa Valenzuela, posibleng masimulang maipamahagi sa Sabado

Anumang oras mula ngayon ay maida-download na ang pondo na gagamitin bilang Enhanced Community Quarantine (ECQ) ayuda sa Valenzuela City kasunod ng pagsasailalim muli ng Metro Manila sa lockdown simula bukas, Agosto 6 hanggang 20, 2021.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na pinakamaagang mapasisimulan ang pamamahagi nito ay sa Sabado o hindi naman kaya ay sa Linggo.

Ani Gatchalian, wala silang problema sa mga benepisyaryo dahil kaparehong listahan din ang gagamitin nila noong ipinatupad ang ECQ sa National Capital Region (NCR) noong Marso.


Sa distribusyon ng ECQ ayuda, maglalabas sila ng paanyaya sa mga kwalipikadong benepisyaryo kung saan dun nakalagay ang oras, petsa at lugar na pupuntahan nila para mai-claim ang tulong pinansyal.

Paliwanag ni Mayor Rex, hindi sabay-sabay kung hindi kada oras ang distribusyon ng financial aid upang maiwasan ang super spreader event.

80% o 180,000 ng mahihirap na pamilya ang sakop ng nasabing ECQ ayuda kung saan nag-augment na lamang ang Valenzuela Government ng P26 milyon para sa 4Ps members na hindi kasama sa listahan.

Facebook Comments