ECQ, dapat lang alisin kapag bumagsak na ang kaso ng COVID-19 sa bansa

Sina Senator Christopher “Bong” Go at Senate Minority Leader Franklin Drilon ay kabilang sa mga pabor na mapalawig pa ng ilang linggo ang Enhanced Community Quarantine o ECQ na magtatapos sana sa April 12.

Giit ni Senator Go, pwede lamang alisin ang ECQ kung magkakaroon ng pagbagsak sa bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.

Paliwanag ni Go, ang pagpapalawig sa ECQ ay daan para maging epektibo ang pinag-ibayong COVID-19 testing ng pamahalaan at pagbukod sa mga COVID-19 positive hanggang sa tuluyan ng mawala ang nabanggit na sakit.


Mungkahi naman ni Senator Drilon hanggang sa buong buwan ng mayo ay mainam na pairalin pa rin ang ECQ para manatili ang pagbabawal sa pagbiyahe papasok at palabas ng Luzon, gayundin ang pananatiling sarado ng mga malls at simbahan.

Pero diin ni Drilon, sa nabanggit na panahon ay maari nang paluwagin ang ECQ upang unti-unti nang makapagbukas ang mga establisyemento para sa manufacturing o paggawa ng pagkain at iba pang supplies para ang mga nagtatrabaho dito ay magkaroon na ng regular na sweldo at upang mapanatili din ang sapat ng suplay ng pagkain at iba pang mahalagang produkto.

Dagdag pa ni Drilon, pwede na ring ibalik ang ilang uri ng public transportation kung saan pwedeng ipatupad ng mahigpit ang social distancing sa mga pasahero tulad sa LRT, MRT at mga bus.

Facebook Comments