BALIUAG, BULACAN – Kalunos-lunos ang sinapit ng dalawang tanod ng Barangay Pinagbarilan makaraang bugbugin ng kaanak ng binatang lumabag sa umiiral na enhanced community quarantine.
Kinilala ang mga biktimang sina Osias Angeles at Hilario Angeles, na may tinamong pasa at sugat sa iba’t-ibang parte ng katawan at pumutok pa ang noo ng isa sa kanila.
Nagsimula raw ang tensyon nang sitahin ni Hilario ang nakitang lalaki na pagala-gala sa kalsada.
Pero imbis na sumunod, sinabihan siya nito na hindi dapat nakikialam sa ibang tao.
Dahil sa insidente, pinilit niyang sumama sa barangay ang lalaki pero agad itong nakatakbo.
Nahabol pa ng dalawang tanod ang pasaway na residente sa tinitirahan nito subalit doon na sila walang-awang ginulpi ng mga kamag-anak.
Nasa kostudiya ng pulisya ang mga nambugbog na kinabibilangan ng isang tatay, mga lalaki niyang anak, at ang nasitang pamangkin.
Nahaharap sila sa kasong paglabag sa Bayanihan Heal As One Act, resisting arrest, assault, at disrespect for authorities.
Humingi naman ng paumanhin ang kaanak ng mga suspek na problemado ngayon sa pang-piyansa.