
Iginiit ng Malacañang na hindi garantiya ang pagiging menor de edad para makaligtas sa pananagutan sa batas ang mga kabataang nanggulo sa Maynila kasabay ng kilos-protesta nitong Linggo.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, dadaan sa imbestigasyon ang mga kabataang naaresto at kung mapatunayang kumilos sila nang may “discernment,” maaari silang kasuhan at mapatawan ng parusa ng korte.
Suspendido lamang ang pagpapatupad ng sentensiya hanggang umabot sila sa edad na 21.
Giit pa ni Castro, may intervention program mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at social workers, ngunit iginiit niyang hindi sapat na dahilan ang pagiging menor de edad upang agad na maabsuwelto sa kaso.
Hindi rin aniya sapat ang dahilan ng ilang magulang na sila’y nadamay lamang sa gulo dahil tungkulin ng mga magulang na alamin kung nasaan at ano ang ginagawa ng kanilang mga anak sa oras ng kaguluhan.









