EDCA, Balikatan exercises, hindi dapat masamain ng China ayon sa political analyst

Hindi raw maiaalis sa China na magkaroon ng pangamba sa Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA at Balikatan exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Dr. Froilan Calilung, Political Analyst at Director ng Local Government Development Institute na ang pakiramdam ng China ngayon ay nagkaroon ang Pilipinas ng sudden shift sa foreign policy.

Ngunit ayon kay Calilung, ang EDCA ay nagsimula noon pang 2014 at maging ang taunang Balikatan ay matagal nang ginagawa bago pa man lumala ang tensyon sa West Philippine Sea at Taiwan Strait.


Sinabi pa Calilung noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay pumanig naman talaga sa China ang foreign policy ng bansa.

Pero sa kabila nito, hindi napagbigyan ang Pilipinas sa mga pakiusap sa kanila dahil patuloy na itinataboy ang mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal at nagkaroon pa nga ng laser pointing kamakailan.

Para kay Calilung, ang iniisip ng China sa nangyayari ngayon ay bumabalik ang Pilipinas sa tradisyunal na kaalyado ito ay ang Amerika.

Facebook Comments