
Malugod na tinanggap ng Office of Civil Defense (OCD) ang planong pagpapagana sa mga military installation sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) bilang bahagi ng disaster response ngayong sunod sunod ang bagyong nananalasa sa bansa.
Ayon kay OCD Officer-in-Charge Assistant Secretary Raffy Alejandro, maaaring gamitin ang mga EDCA sites bilang multi-purpose venue para sa mabilis na pagresponde, lalo na sa mga lugar na matinding tinamaan ng kalamidad.
Kabilang sa mga ikinukonsiderang gamit ng EDCA sites ay ang pagiging command and control hub, imbakan ng relief goods, at drop-off point ng tulong mula sa international community lalo na kung malapit ito sa mga apektadong lugar.
Gayunman, nilinaw ni Alejandro na wala pa mula sa siyam na EDCA sites ang aktibong ginagamit sa kasalukuyang epekto ng sama ng panahon.
Sa ngayon, nakatutok ang assets ng OCD at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Metro Manila, Gitnang Luzon, Calabarzon, at Negros Island na itinuturing na pinakamatinding hinagupit ng bagyong Crising at habagat.









