Pinirmahan na ng Department of Transportation (DOTr) ang isang memorandum of agreement kasama ang private partners nito para sa pagtatayo ng tulay na may concourse sa EDSA Busway na mapapakinabangan ng mga commuters at pedestrians.
Pinangunahan ng DOTr at Metro Manila Development Authority (MMDA) ang signing ceremony kasama ang SM Prime Holdings, D.M. Wesceslao and Associates Inc. at Double Properties Corp na siyang magdo-donate ng mga istraktura para sa ESDA Busway Bridge project.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, layunin nitong magkaroon ng ligtas at maginhawang pasilidad at lakaran sa mga pedestrians.
Aniya, ‘world-class service’ ang maibibigay nito sa riding public.
Sinabi ni Busway Advocate Eduardo Yap, ang proyekto ay mayroong state-of-the-art architecture na may concierge, ticketing booth at turnstiles para sa automatic fare collection system.
Magkakaroon din ng elevators at ramps para sa accessibility sa mga PWDs at seniors citizens at mga buntis.
Para naman kay MMDA Chairperson Danilo Lim, mapapabuti ng proyekto ang travel experience ng mga pasahero lalo na sa mga pangunahing lansangan.
Ang EDSA Busway Bridges ay itatayo sa limang target areas: SM Mall of Asia, SM North EDSA, SM Megamall, President D. Macapagal Boulevard sa Aseana City at EDSA corner President D. Macapagal Avenue.
Inaasahang magsisimula ang konstruksyon sa susunod na dalawa hanggang tatlong buwan kapag naisapinal na ang detalyadong engineering design at nakuha na ang mga kaukulang permits.
Magtatagal ang konstruksyon sa loob ng anim hanggang walong buwan.