Egay, patuloy na pinalalakas ang hanging habagat

Patuloy na pinalalakas ng tropical depression ‘Egay’ ang southwest monsoon o hanging habagat na siyang nagpapaulan sa malaking bahagi ng bansa.

Huling namataan ang bagyo sa layong 405 kilometers east-northeast ng Casiguran, Aurora o 425 kilometers silangan ng Aparri, Cagayan.

Taglay ni Egay ang lakas ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour at pagbugsong nasa 65 kph.


Bahagyang bumilis ang kilos nito sa pahilagang-kanluran sa 35 kilometers per hour.

Nakataas ang tropical cyclone warning signal number 1 sa Batanes.

Ayon kay DOST-PAGASA weather specialist Aldzar Aurelio – asahan ang ulang hatid ng habagat sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Antique, Aklan, at kanlurang bahagi ng Iloilo.

Ang natitirang bahagi ng Luzon at Western Visayas ay maulap pero may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms.

Facebook Comments