Iginiit ni Senator Risa Hontiveros na hindi maaaring baguhin ng Ehekutibo ang panukalang batas na pumasa na sa Kongreso base sa kanilang interpretasyon.
Ang reaksyon ng senadora ay kaugnay na rin sa pahayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na maaari pa ring mag-subscribe o gamitin ang pension funds ng SSS at GSIS sa Maharlika Investment Fund (MIF).
Ayon kay Hontiveros, hindi pwedeng gawin ng Executive na baguhin, palawakin o limitahan ang isang ipinasang panukala base sa kanilang sariling interpretasyon.
Paliwanag ng mambabatas, ang sangay ng Ehekutibo ay naatasang isakatuparan ang mga batas na naaprubahan ng Lehislatura habang ang inilagay naman ng Kongreso ang siyang magiging batayan kung papaano maipapatupad ang isang batas.
Sinabi pa ni Hontiveros na bago pagtibayin sa Senado ang Maharlika fund ay malinaw at siniguro na nakasaad doon ang pagbabawal sa paggamit ng pondo ng SSS, GSIS, PhilHealth at iba pang insurance at pension institutions kaya kataka-taka na pilit namang inilulusot ito ng gobyerno.
Tiniyak din ng senadora na gagana ang oversight function ng Kongreso para matiyak na maipapatupad ang mga safeguards para maprotektahan ang perang iningatan ng ating mga pensioners at contributors.