Nag-courtesy call sa Manila City Hall ang Filipino pole vaulter na si Ernest John “EJ” Obiena.
Pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna at mga opisyal ng Manila City Hall ang pagsalubong kay Obiena ngayong araw.
Sa kanyang talumpati, kinilala ng alkalde ang tagumpay at mga kontribusyon ni Obiena sa larangan ng sports.
Sinabi pa ni Lacuna, maliban sa Overseas Filipino Workers o OFWs, ang mga Pilipinong atleta ay maituturing na mga “bayani” ng ating bansa.
Inanunsyo naman ni Mayor Honey na nagpasa ang konseho ng Manila City ng hindi bababa sa apat na resolusyon na pagbati kay Obiena sa mga nakalipas nitong karangalang hatid sa ating bansa matapos na manalo o makapag-uwi ng mga medalya mula sa iba’t ibang kompetisyon.
May handog din na P300,000 ang lokal na pamahalaan para kay Obiena.
Si Obiena ay mula sa Tondo sa Maynila kung saan nauna na siyang kinilala bilang isa sa “outstanding Manilan” sa nakalipas na pagdiriwang ng Araw ng Maynila.