Inaasahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romuadez ang higit na pagsigla ng ekonomiya ng buong bansa sa oras na maisakatuparan ang konstruksyon ng railway project na magdurugtong sa Subic, Clark at Batangas.
Sinabi ito ni Romualdez makaraang inihayag sa makasaysayang trilateral meeting nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., US President Joe Biden at Japan Prime Minister Fumio Kishida ang paglulunsad ng Luzon Economic Corridor na susuporta sa connectivity ng Subic Bay, Clark, Manila, at Batangas.
Ayon kay Romualdez, ito ay bahagi ng Partnership for Global Infrastructure and Investment (PGI)-IPEF Accelerator kung saan magkatuwang na tututukan ng US, Japan at Pilipinas ang pamumuhunan sa mga bigating proyektong pang-imprastraktura.
Kinabibilangan ito ng railway, ports modernization, clean energy and semiconductor supply chains and deployments, agribusiness at civilian port upgrades sa Subic Bay.
Diin ni Romualdez, ang Subic-Clark-Batangas Railway Project ay tiyak magpapabilis sa pagbiyahe ng mga produkto, babawas sa mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila, magpapasigla sa kalakalan at hahatak ng pamumuhuan sa rehiyon.
Ibinida ni Romualdez na bubuhayin nito ang mga lokal na industriya, lilikha ng trabaho at magpapa-angat sa buhay ng mga Pilipino.