Inaasahang makababawi at lalago muli ang ekonomiya ng bansa sa taong 2026 sa kabila ng mabagal na pag-usad nito ngayong 2025, ayon sa pagtataya ng World Bank at iba pang eksperto.
Batay sa projected economic growth forecast, inaasahang aabot sa 5.3 hanggang 5.7 porsiyento ang paglago ng ekonomiya sa susunod na taon, mas mataas kumpara sa 5.1 porsiyentong naitala ngayong 2025.
Ayon sa mga analyst, malinaw na nasa direksyon ng pagbangon ang ekonomiya ng bansa, subalit ang pangunahing hamon ay kung gaano kabilis at gaano kalakas ang magiging pag-angat nito sa mga darating na taon.
Bagama’t maayos ang naging simula ng 2025, hinarap din ng bansa ang iba’t ibang suliranin kabilang ang mga isyu sa pamamahala at pagkaantala ng ilang mahahalagang proyekto ng pamahalaan.
Dahil dito, naapektuhan ang kumpiyansa ng mga mamumuhunan at mas nabigyang-diin ang mga matagal nang problemang estruktural ng ekonomiya.
Habang papalapit ang 2026, nakatuon ang mga diskusyon sa mga hakbang para sa mas mabilis na pagbangon, kabilang ang pagpapatibay ng kumpiyansa sa ekonomiya, pagpapabilis ng mga reporma, at muling pagpapasigla ng mga pangunahing sektor.
Samantala, inaasahan din ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ng mga ekonomista na magpapatuloy ang mababang inflation rate sa pagsisimula ng 2026, kasabay ng pagbaba ng mga pautang mula sa Foreign Currency Deposit Units, na maaaring magbigay-daan sa mas matatag na kalagayang pang-ekonomiya.








