Nananatiling matatag pa rin ang paglago ng ekonomiya ng bansa matapos na bahagyang bumagal sa 7.1% ang GDP growth rate sa ikatlong bahagi ng taon.
Ito ang iginiit ni Ways and Means Chairman Joey Salceda lalo na kung ikukunsidera ang mahigpit na lockdown na ipinatupad nitong Agosto.
Kahit mas mabagal ang pag-usad ng ekonomiya ngayong third quarter kung ikukumpara sa 12% GDP growth noong second quarter, naniniwala si Salceda na malakas pa rin ang naitalang paglago ng ekonomiya.
Isa sa mga dahilan na masasabing nasa yugto ang ekonomiya ng “capital formation” ay ang 23.8% na pagbangon ng construction sector at ang mataas ding demand sa imports.
Lumakas din aniya ang Industry at Services groups sa 7.9% at 8.2%.
Dagdag pa rito ang pagdami ng mga lugar na nakakamit ang mataas na vaccination rate na tiyak aniyang magreresulta sa pagbabalik ng mga trabaho.
Inaasahan naman ang 1.7% year-on-year o kada quarter na pagbaba sa agrikultura.
Nanindigan naman ang kongresista sa pagbibigay suporta sa dagdag na pondo sa agrikultura sa 2022 dahil kumbinsido siyang ang agriculture sector ang isa sa “key driver” sa muling pag-angat ng ekonomiya.