
Nananatiling maayos ang takbo ng ekonomiya ng bansa ngayong 2026, kahit tinapyasan ang pondo para sa mga flood control project.
Sa Malacañang press briefing, ipinaliwanag ni Development Secretary Arsenio Balisacan na hindi lang sa paggastos ng gobyerno nakasalalay ang ekonomiya.
Malaki rin aniya ang ambag ng araw-araw na paggastos ng mga mamamayan.
Ayon kay Balisacan, halos 3/4 ng ekonomiya ng bansa ay mula sa gastusin ng publiko.
Inaasahang mananatili itong matatag dahil sa patuloy na pagkakaroon ng trabaho, pagpasok ng kita, at remittances ng mga Overseas Filipino Worker (OFW).
Dagdag pa ni Balisacan, inaasahang tataas muli ang kumpiyansa ng mga mamimili sa susunod na taon, kaya mas gagastos ang mga tao at mas iikot ang ekonomiya.
Tiniyak ng pamahalaan na sapat ang 2026 budget para suportahan ang lima hanggang anim na porsiyentong paglago ng ekonomiya. Inaasahan ding mas tataas pa ito sa mga susunod na taon.










