EKONOMIYA NG ISABELA, TUMAAS NG 4.6% SA TAONG 2023

Cauayan City – Umangat ng 4.6% ang ekonomiya ng Isabela noong 2023, na nagdala sa Gross Domestic Product (GDP) ng lalawigan sa ₱197.55 bilyon mula sa ₱188.82 bilyon noong 2022.

Ayon kay Julius Emperador, Chief Statistical Specialist ng PSA Isabela, nanguna sa kontribusyon sa paglago ng ekonomiya ang sektor ng serbisyo na may 44.8%.

Sinundan ito ng sektor ng agrikultura, kagubatan, at pangingisda na may ambag na 29.8%, habang ang sektor ng industriya ay nagbigay ng 25.4%.


Bagamat naapektuhan ng mga kalamidad ang sektor ng agrikultura noong 2023, umaasa si Emperador na mas lalakas pa ang ekonomiya ng lalawigan sa mga susunod na taon dahil sa mga programang ipinapatupad ng pamahalaan para sa mga magsasaka.

Samantala, naitala rin na ang Isabela ang may pinakamalaking bahagi sa Gross Regional Domestic Product (GRDP) ng Cagayan Valley, na umabot sa ₱447.07 bilyon.

Nag-ambag ang Isabela ng 44.2% sa kabuuang GRDP ng rehiyon noong 2023.

Ang pagtaas ng GDP ay nagbabadya ng mas maayos na access sa mga serbisyong pangkalusugan, edukasyon, at iba pang produkto sa lalawigan.

Facebook Comments