Dapat na handa ang ekonomiya ng Pilipinas sa kompetisyon.
Ayon sa political analyst na si Atty. Michael Yusingco, ito ang dapat na pangunahing prayoridad ng gobyerno sa harap ng isinusulong na Regional Comprehensive Economic Partnership o RCEP.
Aniya, kung maipatutupad ang RCEP, dapat na palakasin ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura para magawang makipagsabayan ng mga producer at magsasaka natin sa open market.
“Lagi kasi nating pino-focus sa RCEP is yung opening of the markets e, pero that’s actually secondary. The primary concern should be, kung mag-accede tayo sa RCEP, then we have to support our industries to compete in that open market,” saad ni Yusingco sa interview ng RMN DZXL.
“In practical terms, dapat yung agriculture sector natin e binibuhusan natin ng atensyon para yung mga producers natin, yung mga farmers natin, they are able to participate competitively in that open market,” aniya pa.
Ang RCEP ay isang free trade agreement sa pagitan ng mga bansang kasapi ng ASEAN gayundin ng China, Japan, South Korea, Australia at New Zealand.
Layon nito na pasiglahin ang kalakalan ng Pilipinas, mapalawak ang mga negosyo at makapagbigay ng maraming trabaho sa mga Pilipino.
Tinututulan ito ng higit isandaang grupo dahil posibleng maging epekto nito sa buhay ng mga magsasaka, mangingisda at iba pang mga manggagawa.