Tiyak na malulubog na naman ang ekonomiya ng bansa kapag isinailalim sa Alert Level 2 ang National Capital Region (NCR).
Ito ang babala ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro bunsod ng muling pagtaas ng COVID-19 cases sa ilang mga lugar sa bansa.
Ayon kay Castro, mahihirapan ang bansa kapag naglockdown ulit lalo’t ngayon pa lamang unti-unting nakababangon ang ekonomiya mula sa epekto ng pandemya.
Sa sandaling pairalin aniya ang Alert Level 2, malilimitahan ang paglabas ng mga tao, ibabalik sa 50% ang operasyon ng mga establisyimento at hindi na naman kikita ang maliliit na negosyo.
Kaya naman, iginiit ng kongresista na napapanahon na talagang pagtibayin sa 19th Congress ang mga panukalang batas na makatutulong para mabawasan ang epekto ng sunod-sunod na oil price hike at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.