Hindi umano nakakaapekto ang El Niño phenomenon sa presyo ng mga bilihin.
Sa monitoring ng Department of Trade and Industry (DTI) hindi nagtataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin kung saan sinasabi na nagiging mahigpit ang suplay ng agricultural products.
Ayon kay DTI Assistant Secretary Amanda Nograles, ipinatutupad kasi sa mga lugar na lubhang apektado ng El Niño ang prize freeze dahil sa state of calamity.
Ibig sabihin nito hindi pwedeng itaas ang presyo ng pangunahing bilihin habang umiiral ang state of calamity sa lugar.
Dagdag pa ni Nograles, sa malaking bahagi ng bansa na nararanasan ang matinding init pero walang state of calamity ay sinusunod naman ng mga retailers at negosyante ang suggested retail price (SRP).
Wala ring dahilan na magtaas ng presyo ng mga bilihin dahil sapat ang suplay ng mga produkto at matatag ang presyo ng mga ito.
Samantala, sa mga manufactured food naman na nagtaas ng presyo kagaya ng mga de-lata maari umanong kabilang ang manufacturer sa pinayagang magtaas ng presyo pero ngayon lang nagpapatupad ng price increase.
Kung maalala sa patakaran matapos lamang ang anim na linggo ay doon lang pwede magtaas ng presyo o mag-abiso ng increase kung pinayagan at hindi kinontra ng DTI.
Para naman hindi magkalituhan hindi na muna maglalabas ng announcement ang ahensya ng bagong SRP ukol sa pagtataas ng presyo hanggang hindi ipinatutupad ng manufacturers.