LINGAYEN, PANGASINAN – Inihahanda na ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang mga paghahanda sa posibleng maging epekto ng El Niño phenomenon sa bayan.
Nagsagawa ng pagpupulong ang lokal na pamahalaan at mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) upang talakayin ang mga maaaring gawing hakbang ukol sa nararanasang matinding init ng panahon o extreme heat index.
Isa sa mga partikular na tututukan ay ang posibleng epekto nito sa sektor ng agrikultura, water at marine resources, kalusugan ng tao, at sa kapaligiran.
Samantala, para naman sa mga lokal na magsasaka, pinapayuhan ng Municipal Agriculture Office o MAO Lingayen na ngayon pa lamang ay paghandaan na ang magiging epekto nito sa kanilang mga pananim at maging sa mga alagang hayop.