Kasado na ang planong pagpapataas ng Lasip Grande Elementary School sa Dagupan City ngayong taon bilang tugon sa madalas na pagbaha sa naturang paaralan.
Inaprubahan ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang site development plan para sa proyekto na layong maiwasan na ang pagbaha na noong nakaraang taon ay umabot hanggang sa lebel ng dibdib.
Ayon sa Punong Guro ng paaralan na si Dr. Jennifer M. Pulido, malaking tulong ang proyekto para sa mas magandang learning environment para sa mga mag-aaral.
Dagdag pa niya, makakaiwas rin ang mga mag-aaral sa mga sakit na maaaring maidulot ng paglusong sa baha sakaling maisakatuparan ang proyekto.
Noong Nobyembre ng nakaraang taon ay matagumpay na naipatayo ang unang 2-storey classroom sa naturang paaralan, habang kasalukuyan naman ang konstruksyon ng isa pang classroom building.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang punong guro sa mga nakatulong sa pagsasakatuparan ng mga proyekto, kasabay ng patuloy na paghingi ng suporta para sa mga programang makatutulong sa mga mag-aaral gaya ng pamimigay ng mga bota at kapote bilang pananggalang sa mga sakit.










