Cauayan City, Isabela- Maayos pa rin at wala pang naitatalang gulo sa pagitan ng mga magkakatunggaling grupo mula noong magsimula ang eleksyon campaign ng mga kandidato dito sa barangay District III ng lungsod ng Cauayan.
Ito ang ibinahaging impormasyon ni Brgy. Capt. Bagnos Maximo Jr. ng Barangay District III, Cauayan City sa naging ugnayan ng RMN Cauayan kaninang umaga.
Ayon kay Brgy. Capt. Bagnos Maximo Jr., nasa tatlong bilang ng kandidato ang magla-laban para sa posisyong Brgy. Captain na kinabibilangan ng isang barangay kagawad at isang dating punong barangay at nasa dalawampu’t lima naman ang kumakandidato para sa posisyong Barangay Kagawad habang nasa lima naman ang maglalaban-laban para sa posisyong SK Chairman.
Ayon pa kay Brgy. Capt. Maximo Jr., sa ngayon ay nasa 3, 662 na ang bilang ng mga botante sa barangay District III sa lungsod ng Cauayan at kanya ring pinayuhan ang mga botante na piliing mabuti ang kanilang ibobotong opisyal.
Samantala, kanya ring inihayag na wala pa umanong nahuhuli sa kanyang nasasakupan na may kinalaman sa iligal na droga mula nang magsimula ang kanilang Barangay Drug Clearing Operation.