May kinalaman sa gaganaping 2019 election ang dahilan ng sunod sunod na pagpatay sa mga local officials sa bansa.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Supt. Benigno Durana may mga pattern o pagkakapareho silang nakikita kung paano pinatay ang mga local officials nitong mga nakalipas na taon at buwan.
Batay aniya sa kanilang rekord simula ng pumasok ang Duterte Administration 12 alkalde at 6 na bise alkalde ang pinatay.
Kaya nga ayon kay Durana una nang inutos ni PNP Chief Oscar Albayalde sa lahat ng mga PNP regional directors na paigtingin ang pagtugis sa mga private armed groups at gun for hire group na nagagamit ng mga tiwaling pulitiko para manalo sa halalan.
Layunin nitong maging payapa at malinis ang gagawing eleksyon sa susunod na taon.
Sinabi ni Durana na bukod sa politically motivated ang pagpatay sa ilang local officials, RIDO o away ng mga angkan at away sa negosyo ang ilan pa sa dahilan ng pagpatay sa mga ito.