Patay ang isang election officer sa Northern Samar matapos tambangan kahapon.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang pinatay na election officer ay si James Diaz Maghanoy, 42 anyos, municipal election officer ng Lope de Vega, Northern Samar at residente ng Brgy. Cawayan, Catarman, Northern Samar.
Alas-5:00 ng hapon kahapon pauwi na ang biktima sa kanilang bahay mula sa Lope de Vega sakay ng motorsiklo nang pagbabarilin ito sa may National Highway Brgy. Somoge Catarman, Northern Samar.
Nagtamo ang biktima ng dalawang tama ng baril sa kanyang katawan na agad isinugod sa Northern Samar Provincial Hospital pero ideneklarang dead on arrival.
Sa ngayon nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) sa insidente para matukoy ang mga salarin sa krimen.