Tinangkang patayin ng hindi pa nakikilalang mga gunman ang isang election officers sa Isabela City kagabi.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, nasugatan ang election officer na Aknam Hasim matapos atakehin sa Calle Posporo, Barangay San Rafael, Isabela City.
Kasama ni Hasim ang kanyang asawa sa loob ng sasakyan ng paputukan ng mga suspek.
Isinugod agad ang biktima sa Basco Hospital at ngayon ay nagpapagaling na lang.
Samantala, inutos na ni Philippine National Police PGen. Guillermo Eleazar sa PRO 9 na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa insidente para mapanagot ang may kagagawan sa tangkang pagpatay sa election officer, kasabay sa utos ng pagbibigay ng proteksyon sa biktima.
Dahil naman sa insidente, nakikipag-ugnayan na ang PNP sa liderato ng Commission on Elections (COMELEC) para pag-usapan kung paano makakatulong ang PNP sa seguridad ng mga opsiyal ng COMELEC lalo na sa mga probinsya na may history ng election violence.