Manila, Philippines – Mula sa orihinal na schedule na October 1-5 ay nais ng Senado na iatras ng Commission on Elections (COMELEC) sa October 11-17 ang paghahain ng Certificate of Candidacy o COC para sa 2019 senatorial at local elections.
Ito ang nakapaloob sa Concurrent Resolution no. 13 na pinagtibay ng mga senador.
Ayon kay Senate President Tito Sotto III, ito ay para mapagtugma ang petsa ng filing ng COCs sa adjournment ng session ng Kongreso mula October 12 hanggang November 11, 2018.
Ipinaliwanag din sa resolusyon na malaki ang maitutulong ng pag-atras sa petsa ng paghahain ng COCs para hindi maagaw ang panahon ng mga kakandidatong mambabatas sa kanilang ginagawang pagbusisi ngayon sa pondo para sa 2019 at iba pang mahalagang panukalang batas.