ELECTION PROTEST SA PAGKABISE ALKALDE SA ROSALES, NAGRESULTA SA PAGPAPAWALANG BISA NG PROKLAMASYON NI VICE MAYOR ISAAC KHO

Pinawalang bisa ng korte ang proklamasyon ni Rosales Vice Mayor Isaac Kho matapos pumabor sa kanyang nakatunggali na si Susan Casareno ang kalalabas lamang na resulta ng election protest nitong Nobyembre.

Sa naging desisyon ng Regional Trial Court (RTC) Branch 53, nagresulta ang vote recount sa 20,705 na boto ni Casareno habang 18,730 naman ang kay Kho, mula sa Canvassed Votes noong Mayo na nagtapos sa 20,201 votes pabor kay Kho habang 18,400 naman kay Casareno na dahilan ng proklamasyon ng naunang opisyal.

Nag-ugat ang protesta ni Casareno dahil sa umano’y vote-buying, misreading of ballots at manipulation sa kampo ni Kho na mariin namang itinanggi nang kabilang panig.

Samantala, pinabatid naman ni Kho sa social media na manual recount lamang umano ang naganap at maging ang mga ballot boxes na may malinaw umanong palatandaan ng tampering ay isinama at ibinilang.

Dagdag pa rito, ang hindi pagpayag ng RTC sa paggamit ng angkop na paraan upang patunayan ang authenticity ng mga balota kabilan pa umano ang decryption ng eksaktong digital copy ng mga balota mula sa automated election system.

Magkaiba man ang pinaglalaban ng dalawang panig, iginiit nila ang paninindigan sa katotohanan nang naayon sa batas.

Sa kasalukuyan, naghain na ng mosyon para ipatupad ang desisyon ng korte ang kampo ni Casareno na tinabla naman ng kampo ni Kho ng mosyon para suspindehin ito. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments