Manila, Philippines – Naniniwala si Senate President Tito Sotto III na nakabase sa intelligence report ang impormasyon ng Philippine National Police o PNP na may mga politiko na nakikipag-kuntsabahan sa gun-for-hire syndicate.
Reaksyon ito ni Senator Sotto sa pahayag ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde na mayroon silang iniimbestigahan na mga pulitiko na umano ay nakikipag-sabwatan sa gun-for-hire para maipaligpit ang kanilang kaaway o karibal sa pulitika.
Sa tingin ni Senator Sotto, hindi naman magsasalita si General Albayalde hinggil dito kung wala silang pinanghahawakang malakas na ebidensya.
Bunsod nito ay sinabi ni Sotto na dapat kumilos ang pambansang pulisya para masampahan ng kaso ang mga pulitikong nakikipag-uganayan sa nabanggit na mga sindikato.
Hiling naman ni Senator Koko Pimentel sa PNP ay tutukan ang pangangalap ng matitibay na ebidensya para hindi makalusot ang nabanggit na mga pulitiko.
Ayon kay Senator Pimentel, ang ganitong hakbang ay bahagi din ng regular na operasyon ng PNP para mapanatili ang law and order sa bansa.
Dagdag pa ni Pimentel ang mga pulitiko na kumukuha ng hit squad, ay malinaw na principal sa krimen kaya ang kanilang pananagutan ay kasing bigat o kasing seryoso ng sa mga gunman.