Duda si Elections spokesman James Jimenez sa intensyon ng election watchdog na Mata sa Balota Movement sa kanilang inihaing petition for mandamus sa Korte Suprema laban sa Comelec at sa Automated Election System provider na Smartmatic Total Information Management o Smartmatic.
Sa kanilang petisyon, nais ng grupo na utusan ng Supreme Court ang Commission on Elections na ganap na ipatupad ang kumpletong intensyon ng automated elections law.
Iginigiit ng grupo na dapat ipatupad ng Comelec ang pasiya ng korte Suprema noong 2016 para sa Voter Verified Paper Audit Trail o VVPAT at ang pagganit ng digital signatures ng election results.
Sa broadcaster’s forum sa QC, sinabi ni Jimenez na malabong pagbigyan ng mataas na hukuman ang petisyon dahil halos dalawampung araw na lamang ang nalalabi bago ang midterm elections.
Aniya, kung hindi mapanindigan ng Mata sa balota ang kanilang mga argumento ay magmumukha lamang ito na nagpapakana para hindi matuloy ang halalan sa Mayo a onse.
Sa ngayon aniya ay all systems go na para sa darating na eleksyon.
At wala silang nakikita na mas mabisang alternatibo sa automated elections.