Nagbabala si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na posibleng ulitin ng Manila Electric Co. (Meralco) ang ‘electric bill shock’ sa susunod na buwan.
Ito ay kasunod ng kwestyunableng pagdedeklara ng Meralco ng yellow alert nitong nakaraang linggo dahil umano sa power outages.
Ipinagtataka aniya niya ang pagdedeklara ng yellow alert gayong mababa naman ang demand sa kuryente sa nakalipas na tatlong buwan dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Giit ni Zarate, i-hold muna ng Meralco ang koleksyon sa ‘electric bill shock’ ngayong Mayo habang iniimbestigahan pa ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang biglang pagtataas sa singil sa kuryente.
Pinasislip din ng mambabatas sa ERC ang rason ng ‘yellow alert status’ dahil umano sa kakulangan sa suplay ng kuryente kung kailan sa nakalipas na buwan ay marami ang hindi kumukonsumo ng kuryente lalo na ang mga negosyong nagsarado dahil sa pandemya.