ELECTRIC VEHICLE DRIVERS, NABABAHALA SA PAGBABAWAL NG E-BIKE AT E-TRIKES SA NATIONAL HIGHWAY

Simula ngayong Lunes, Disyembre 1, 2025, ipatutupad ng Land Transportation Office (LTO) ang nationwide apprehension at impounding ng mga e-bike at e-trike na bumibyahe sa mga national highway.

Dahil dito, maraming gumagamit ng e-bike at e-trike ang nag-aalala, kabilang si Mang Modesto, na umaasa sa kanyang electric bike bilang pangunahing kabuhayan.

Ikinababahala rin ng mga rider na posibleng ma-impound ang kanilang sasakyan, na maaaring magdulot ng pagkawala ng kita sa araw-araw.

May ilan namang nagsabing sinisikap nilang umiwas sa national highway at sa halip ay sa gilid ng kalsada o alternatibong ruta dumadaan upang hindi lumabag sa batas.

Samantala, nanindigan ang LTO na malinaw na nakasaad sa implementing rules and regulations (IRR) ng Electric Vehicle Industry Development Act (EVIDA) Law na bawal bumiyahe ang mga ganitong uri ng sasakyan sa pangunahing kalsada para sa kaligtasan ng mga gumagamit at ibang motorista.

Gayunpaman, umaasa pa rin ang ilang rider na magkaroon ng mas malinaw na guidelines o solusyon upang hindi maantala ang kanilang pang-araw-araw na kabuhayan.

Facebook Comments