
Isang 31-anyos na elektrisyan ang inaresto matapos mahulihan ng hinihinalang ninakaw na kable mula sa Aboitiz Solar Farm sa Brgy. Cayanga, Bugallon, Pangasinan.
Ang insidente ay nadiskubre bandang alas-2:00 ng hapon nang mahuli ng mga security personnel ng Fortress Security Agency ang suspek na kinilalang isang lalaki na residente ng Brgy. Poblacion, Bugallon, Pangasinan. Ang biktima sa insidente ay ang Solar Farm na matatagpuan sa nasabing barangay.
Ayon sa ulat, ini-endorso ng Security Agency ang suspek sa Bugallon Police Station matapos itong mahulihan sa aktong pagdadala ng stranded electrical copper wire na may tinatayang haba na humigit-kumulang anim na metro at may halagang Php1,014.00.
Batay sa salaysay ng security personnel, paalis na umano ang suspek mula sa solar site nang isailalim sa inspeksyon. Doon nadiskubre na nakatago sa loob ng bag ng suspek ang naturang copper wire, na nagpapahiwatig ng malinaw na intensyon na ito ay nakawin.
Dinala ang suspek sa Bugallon Police Station para sa wastong disposisyon. Ang insidente ay naiulat sa himpilan ng pulisya bandang alas-6:38 ng gabi at sa Provincial Police Office bandang alas-7:19 ng gabi ng parehong araw.
Kasalukuyang inihahanda ang kasong Qualified Theft laban sa suspek, habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay ng insidente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










