Electronic cash distribution para sa PUV drivers na tatanggap ng SAP, pinanagaaralan na ayon sa DOTr

Inihayag ng pamunuaan ng Department of Transportation o DOTr na inaayos na nila na gamitin ang electronic cash transfer para sa mga benepisyaro ng Social Amelioration Program (SAP) na mga Public Utility Vehicle o PUV driver.

Ito para, aniya, mabawasan ang mga magpupunta sa Land Bank of the Philippines (LBP) para kunin ang kanilang pera.

Makakatulong din, aniya, ito para maipatupad ang social distancing.


Sa ngayon, aniya, umabot na ng 15,854 na mga PUV driver ang mga nakakuha ng SAP mula nga umpisahan itong ipamahagi noong April 7 ngayong taon.

Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, magpapatuloy ngayong araw ang pagbibigay-ayuda sa mga PUV driver na kasama sa listahan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD para sa SAP.

Layunin ng SAP na mabigyan ng financial assistance ang mga tsuper ng PUVs na apektado ang kita dahil sa ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon dulot ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Payo niya sa mga tsuper na hindi pa nakakakuha ng kanilang SAP na bisitahin lang ang official Facebook account at iba pang official social media account ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at DOTr para ma-check ang kanilang pangalan, malaman ang mga requirement, at ang mga bukas na LBP branch.

Paalala naman niya sa mga PUV drivers na sundin ang social distancing guidelines habang prino-proseso ang cash assistance at huwag kalimutan na magsuot ng face mask.

Facebook Comments