Nagbabala si vice presidential aspirant Senador Vicente “Tito” Sotto III sa pamunuan ng mga electronic payment tulad ng G-cash na maaring sumabit o may kaukulang kaso na kakaharapin kapag nagpatuloy pa rin ang transaksyon sa online sabong.
Ito ang naging pahayag ni Sotto matapos na ilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kautusan sa pagpapahinto ng operasyon online sabong.
Sa naturang kautusan, May 3 ng gabi dapat tigil na ang operasyon ng e-sabong.
Ayon kay Sotto, kapag lumabag ang online sabong sa naturang kautusan at magpatuloy pa rin ang operasyon nito, kasabay ng pagpapatuloy rin ng transaksyon ng electronic payment, tiyak na may malaking pananagutan ito sa batas.
Nauna nang sinabi ni Sotto, napapanahon nang gawin itong pagpapatigil ng operasyon ng e-sabong dahil marami ng nasirang buhay.
Dagdag pa ni Sotto, malabo nang maihabol ngayong 18th congress ang mga nakabinbing franchise bills ng e-sabong dahil sa kakulangan ng oras kaya naman maituturing na itong patay sa ngayon.
Binigyang diin naman ni presidential aspirant Senador Panfilo “Ping” Lacson, marami ring mga katanungan sa pagpapasa ng prangkisa ng online sabong lalong-lalo na kung maikokonsidera ba itong public utility dahil ang mga public utilities lang ang ginagawaran ng prangkisa at hindi ang online gambling.