Electronic system para sa mas mabilis na paghahain ng mga reklamo sa red-tape, ilulunsad ng Anti Red-Tape Authority

Inaayos na ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang mga detalye para sa ipatutupad na Electronic Complaints Management System ngayong taon.

Ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking “streamlined’ o mas simple at digitalized na ang mga proseso at transaksyon sa mga tanggapan ng gobyerno.

Sa Malacañang Press Briefing, sinabi ni ARTA Director General Ernesto Perez na inaasahang mapapabilis ang paghahain ng reklamo ng publiko laban sa mga kaso ng “red-tape” sa gobyerno dahil gagamit ng Artificial Intelligence (AI) sa sistema.

Bukas din aniya ng 24/7 ang sistema para tumanggap ng reklamo at mas aktibong mamo-monitor ang mga complaint.

Makatutulong aniya ang ilulunsad na bagong online system para mas epektibong matugunan ng ARTA ang mga reklamo.

Sa datos ng ARTA, mula 2018 hanggang March 2025, nasa 99.7% ng halos 26,000 na reklamong kanilang natanggap ang naresolba na.

Facebook Comments