ELEKSYON 2018 | Mga Kandidato para sa Barangay at SK Elections nakiisa sa Peace Covenant Signing at Unity Walk!

Upang maisakatuparan ang isang halalang patas, payapa, at malayo sa droga, isinagawa ng Dagupan City Police Station, kasama ang Comelec Dagupan ang isang Peace Covenant Signing at Unity Walk para sa mga kandidato sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections, araw ng martes ganap na 9:30 ng umaga.

Ang nasabing programa ay dinaluhan ng ilang kilalang personalidad sa lungsod, kabilang na sina PSupt. Jandale I Sulit, OIC ng Dagupan City PNP, Atty. Ericson Oganiza ang chairperson ng Comelec Dagupan, Comelec officer, Ms. Belinda Buada, at ng mga kandidato para sa 2018 barangay at SK elections.

Nagsimula ang programa sa mensahe ni PSupt. Sulit at matapos nito ay pumirma sa isang peace covenant ang mga kandidato sa Barangay at SK elections 2018.


Sinundan ito ng Unity Walk o lakad para sa Pagkakaisa. Magmula A.B. Fernandez avenue patungong Burgos St., sa Dagupan ang naging ruta ng lakarin.

Matagumpay na natapos ang nasabing kaganapan sa pagtutulungan ng buong PNP at COMELEC Dagupan. Inaasahan na sa mas pinaigting na programa ng pamahaan at awtoridad para sa paparating na eleksyon ay magiging ligtas, mapayapa, at patas nga ang halalan ngayong taon tungo sa pagkakaisa, hindi lang ng bawat Dagupeño kundi pati na rin ng buong bansa.

Ulat ni Melody Dawn C. Valenton

Facebook Comments