ELEKSYON | Pagbubukas ng polling precinct sa Araullo High School, bahagyang nagkagulo

Manila, Philippines – Sa pagbubukas pa lamang ng polling precinct sa Araullo High School sa UN Avenue sa Maynila, bumungad na ang bahagyang kaguluhan partikular na sa Precinct 2679B na sakop ng Barangay 667.

Ilan kasi sa mga poll watcher ng isang kandidato sa Barangay 667, inalmahan ang pagpila ng mga botante sa labas ng polling precinct na nasa ikalawang palapag ng Araullo High School.

Reklamo nila, flying voter ang ilan sa mga botante.


Anila, nakakuha sila ng voters list bago ang araw ng botohan at nang kanilang isailalim sa pagbusisi ang listahan, lumabas na daan-daan umano sa mga botanteng nasa listahan ay gumamit ng ibang address pero ang totoo, marami sa kanila ay nakatira lamang umano sa Plaza Ferguson, sa Luneta Park at sa Baywalk.

Nagtanung-tanong din daw sila sa lugar na inirehistro ng mga botante bilang kanilang address, pero hindi naman daw sila kilala sa lugar.

May isang address din umano na maraming botante ang nakarehistro.

Pumagitna sa kaguluhan ang mga poll watcher ng PPCRV.

Pero sa huli, pumayag ang electoral board na pabotohin ang mga kinukuwestiyong botante dahil nakalista naman ang kanilang pangalan sa certified list of voters.

Facebook Comments