Inihayag ni Civil Service Commission o CSC Chairman Karlo Alexei Nograles na palalawakin ang CSC Eligibility Examination sa susunod na taon upang mapataas ang bilang ng mga kwalipikadong pumasok sa government service
Sa budget hearing ng House Appropriations Committee ay sinabi ni Nograles na sa 2024 ay target nilang makamit ang 500,000 registered applicants para sa examination.
Binanggit din ni Nograles ang target na gawing regular o araw-araw ang pagdaraos ng Computerized Examination o COMEX basta makakuha sila ng provider na tutulong sa pagsasagawa nito.
Umapela naman si Nograles sa mga mambabatas na itaas ang P2.060 bilyon na inilaang pondo sa kanila ng Department of Budget and Management (DBM) para sa 2024 na mas mababa sa hirit nilang pondo na mahigit ₱3 billion.
Inilatag ni Nograles na sa kanilang 2024 budget ang ₱1.431 billion ay nakalaan sa personnel services, P89. 34-million ay para sa capital outlay at ang ₱43.5 million naman ay para sa maintenance and other operating expenses.