Manila, Philippines – Ibinunyag ngayon ni Senator Bam Aquino na na-hacked ang email ng 2 niyang staff at 3 sa mga staff ni Senator Kiko Pangilinan, at ginagamit sa pagpapadala ng umano’y destabilization plot laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Aquino, base sa kanilang pagsusuri sa mga apektadong email, nagsimula ang hacking insident noon pang March 11, hanggang nitong October 11, 2017.
Sabi ni Bam, nadiskubre lang nila ito nitong September 26 kaya agad nilang ini-report at pinaimbestigahan sa National Bureau of Investigation, Department of Information and Communications Technology at Armed Forced of the Philippines.
Maging ang Electronic Data Processing and Management Information Bureau ng Senado ay kanilang ding inalerto.
Nababahala si Senator Aquino na ang pag-hack sa email ng mga staff ng ilang opposition Senators ay bahagi ng pinapalutang o ibinibintang sa mga taga-oposiyon na umano’y destabilization plot laban sa administrasyon.
Giit ni Senator Aquino, ang hacking ay iligal at isang krimen kaya ang mga nasa likod nito ay dapat maparusahan.