Embahada ng Pilipinas sa Beirut, Lebanon, muling bubuksan ang registration para sa free mass repatriation

Bubuksan na muli ng Embahada ng Pilipinas sa Beirut, Lebanon ang registration para sa free voluntary mass repatriation program mula ika-9 hanggang ika-16 ng Agosto.

Dahil dito, inaanyayahan ng Embahada ng Pilipinas ang ilang pinoy sa nabanggit na bansa na hindi pa nakakapaglista sa naturang programa na magtungo sa kanilang opisina upang magparehistro sa gagawing repatriation.

Nilinaw ng embahada na sagot ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng gastusin sa pagpapa-uwi sa lahat ng mga Pilipino sa ilalim ng mass repatriation program.


Sa ilalim ng naturang programa, sasagutin ng embahada ang ticket at immigration penalties ng mga benipisyaryo.

Nilinaw rin ng embahada na wala silang pinahihintulutang tao, ahensiya o grupo na mag-isyu ng ticket.

Binalaan naman ng embahada ang mga mananamantala sa nasabing programa kung saan gagamitin nila ang lahat ng legal diplomatic cctions para panagutin sila sa kanilang pagkakamali.

Disyembre noong nakaraang taon nang simulan ng Embahada ng Pilipinas sa Beirut ang free voluntary mass repatriation program at nasa higit 1,000 na Pilipino na ang kanilang natulungang makauwi.

Facebook Comments