Embahada ng Pilipinas sa Cairo, nanawagan sa mga Pilipino na nasa Sudan na lisanin na ang bansa

Nanawagan muli ang Embahada ng Pilipinas sa Cairo sa mga Pilipino na nasa Sudan na lisanin na ang bansa para matiyak ang kanilang kaligtasan.

Ito ay matapos ang patuloy na kaguluhan roon sa pagitan ng Sudanese Army at ang kalaban nitong military group na Rapid Support Forces.

Sa public advisory na inilabas ng Embahada, iginiit nito na patuloy ang pagtulong nila sa mga Pilipinong nasa Sudan.


Kinakailangang magbigay ang mga Pilipino ng buong pangalan, contact details, at kopya ng kanilang pasaporte para sa mga nagnanais umuwi ng Pilipinas at abisuhan kung hawak nila ang kanilang pasaporte.

Para naman sa mga nagnanais lumikas patungong Egypt ay kinakailangang sumunod sa standing order na makapag-apply ng entry visas ng maaga.

Pinayuhan rin ang mga Pilipino na nagnanais lumikas patungong Port Sudan na magbaon ng sapat na pera dahil kalimitang inaabot ng 10 araw o higit pa ang paghihintay sa Port Sudan at Wadi Halfa bago mailikas.

At para naman sa mga Pilipinong nagnanais manatili sa Sudan ay kinakailangan na magbigay sa Embahada ng kanilang buong pangalan, contact details, lokasyon sa Sudan, pati na rin ang contact details ng mga emergency contact sa Pilipinas at kailangan rin hawak nila ang kanilang pasaporte.

Facebook Comments