Nagpapatuloy ang isinasagawang rescue Operations ng Eastern Mindanao Command (EastMinCom) para sa nalalabing 41 empleyado ng APEX mining mula sa 86 na inisyal na iniulat na na-trap sa landslide na naganap kagabi sa Brgy. Masara, Maco, Davao de Oro.
Ayon kay Col. Rosa Ma. Cristina Rosete-Manuel, tagapagsalita ng EastMinCom, may radio contact na sa apektadong lugar at temporary command posts sa pamamagitan ng emergency communication teams mula sa 1001st Infantry Birgade at 10th Infantry Division.
Nagtayo na rin aniya ang 25th Infantry Battalion ng Tactical Command Post sa Tagbaros Patrol Base; habang ang 1001st Brigade ay nakikipag-coordinate sa Disaster Risk Reduction and Management Council at Provincial Incident Command Post para sa Disaster Management.
Naka-standby din aniya ang Rescue teams mula sa 10th Infantry Division, 1001st Brigade, 25IB, at 60IB sa iba’t ibang lokasyon malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Samantala, 14 na military vehicles din ang dineploy para suportahan ang rescue operation, kasama ang heavy equipment ng APEX mining.
Nabatid na sa kabuuang 86 empleyado ng minahan, 45 na ang nailigtas kung saan 3 indibidwal ang nasa kritikal na kondisyon at 42 ang nananatili sa evacuation area na hindi kayang mapuntahan ng mga sasakyan sa ngayon.