Nilinaw ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na hindi maaaring gamiting panuhol ang TUPAD program o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers para pumirma sa isinusulong na people’s initiative.
Ang paglilinaw ni Laguesma ay sa harap ng alegasyon na ang Emergency Employment Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay ginagamit ng mga nagsusulong ng people’s initiative.
Ayon sa kalihim, hindi maaaring ipangako ang TUPAD program lalo na’t may prosesong sinusunod, tulad ng profiling kung kuwalipikado ang isang aplikante at dapat masunod ang mga requirement sa documentation na itinatakda ng Commission on Audit.
Paliwanag pa ni Laguesma, ang TUPAD program ay cash-for-work kung saan may minimum at maximum period ang suweldo alinsunod sa kasalukuyang wage hike sa bawat rehiyon na mayroong programa ang DOLE.
Giit pa ni Laguesma, hindi pahihintulutan ng DOLE na maging kasangkapan ang bawat programa sa mga gawaing hindi naman angkop sa batas.